Friday, 18 February 2011

Kailangan nating maghiwalay

This was written by a good mentor and friend, Mr. Ron Capinding aka RoboCap.


Kailangan nating maghiwalay
upang malaman natin kalaunan
kung mayroon nga tayong pinagsamahan,
kung buo pa rin tayong dalawa kahit wala na 'yung isa,
kung mabibitbit ba natin ang pinagsaluhan nating mga sarap kahit tapos na ang salu-salo,
kung magaling nga tayong magtanim ng mga halamang hindi habambuhay na aasa sa hardinero,

at kung maisasakatuparan ba natin
at mapalalaganap nang libong doble pa
ang mga sarili at pangarap na
magkasabay nating hinubog.
"Hindi ang isa't isa ang tinitingnan ng mga nagmamahalan,
kundi ang kanilang iisang hantungan." (Kahlil Gibran)


Sa mundong bilog,
maghihiwalay tayo,
palayo sa isa't isa,
at magsisikap umabot sa pinakamalayo nating maaabot.


At dahil bilog nga ang mundo,
magkakasalubong muli tayo kung hindi tayo titigil sa pag-usad.
At dahil marami na tayong pinagdaanan sa pagkakataong ito,
mas mayaman na ang mga babaunin nating mapagsasaluhan.
At dahil hindi natin binitawan ang tamis ng dating ugnayan,
parang pag-uwi ang muli nating pagkikita,
magbabatian tayo sa lumang paraang nakagawian,
magkakamayan dahil sa kani-kaniyang naging kapalaran,
magkukumustahan upang makahabol sa mga bagay na 'di na natin nasubaybayan,

at saka tayo mahigpit na mahigpit,
tigib ng pangungulila at pag-ibig
at parang kahapon lamang,

na magyayakapan.

Hanggang sa muli...

Hiwalayan lang ito, hindi paalaman,




at kay tamis ng pangako ng hiwalayan!

No comments:

Post a Comment